Sunday, October 20, 2013

Apat na Taon


Isang lumang tula na inalay ko sa aking asawa bilang regalo sa ika-apat na taon ng aming anibersaryo bilang mag-asawa.

Sa loob ng apat na taon ng ating pagsasama,
Maging malapit o malayo man sa isat-isa.
Hinangad ko na IKA'y mapaligaya,
Kahit pa sa oras ng tampuhan at pagdurusa.

Sa loob ng apat na taon ng ating pagsasama,
Hindi ko sinadya na ibigin ka.
Bigla na lamang naramdaman at ibinigay sa akin,
Pinagkaloob ng Maykapal upang mahalin.

Sa loob ng apat na taon ng ating pagsasama,
Pangakong mamahalin at iingatan ka.
Gagawin ang lahat anuman ang hilingin,
At pilit aabutin kahit pa mga bituin.

Sa loob ng apat na taon ng ating pagsasama,
At sana'y magpatuloy at madagdagan pa.
Bilang ng oras nang tayo'y magkakasama,
Harapin ang bukas na puno ng ligaya.


Sa loob ng apat na taon ng ating pagsasama........

I LOVE YOU.....

Anino

Saan ka nanggaling?, Saan ka nagmula?,
Laging nasa tabi, wari'y nangungulila.
Hugis tao ka wala namang damdamin,
Anyong puno ka wala namang ililim.

Anumang gawain palagi kang kasama,
Maging sa pagtulog at paggising sa umaga.
Palaging nasa tabi di ako nag-iisa,
Hanggang kailan kaya? sa buhay ko'y makakasama.

Ano bang hiwaga ang sayo'y bumabalot,
Ginhawa ang matitigan ka sa t'wing ako'y nalulungkot.
Binibigyang kahulugan aking mga kilos,
Tulad mo'y isang dagat alinsunod sa agos.

Sa tibay mo ako'y pinahahanga,
Bilad ka man sa araw at sayad sa lupa,
Nakatindig ka pa rin minarkahan ng iyong lilim,
Sinanasamahan ako hanggang sa pagsapit ng dilim.

Hiling ko sa Maykapal 'wag kang mawala,
Ako ma'y ilibing at ipagluksa.
Samahan ako hanggang sa magapi,
At maging kaibigan ka hanggang sa huling sandali....

Alay sa Nakaraan

Ating balikan mga panahong lumipas,
Nang tayo'y inapi at pinilit umalpas.
Makamit ang kalayaan ng pusong wagas,
Na kahit minsan 'di tinangkang umatras.

Walang makita at walang mapuntahan,
Madilim na paligid at puno ng karahasan.
Mga paglalaban tila walang katapusan,
Ubusan ng lahi para sa Inang Bayan.

Diniligan ang lupa ng kanilang mga dugo,
Nilagyan ng liwanag mula sa alab ng puso.
Tuloy sa paglaban saanman patungo,
Kalaaya'y inabot 'di inisip na sumuko.

Kaya't wag nating sayangin Kalayaang nakamtan,
Ating pahalagahan kanilang pinaglabanan.
'Wag nating kalimutan mga Bayani ng Bayan,
Bigyang respeto bilang Alay sa Nakaraan.

Ballpen

Panulat kong tangan imulat ang isipan,
Bigyang kakayahan iguhit ang nararamdaman.
Gisingin ang damdamin sa nattulog kong puso,
Paliparin ang isipan saanman patungo.

Panulat kong tangan aking kapangyarihan,
Tuluyang palakasin at bigyang katuparan.
Damdaming nakatago't 'di maipahiwatig,
Ipaabot sa nakararami at sa mga iniibig.

Panulat kong tangan nagsisilbing gabay,
Hayaang ikilos yaring mga kamay.
Isulat ang laman ng puso't ialay,
Sa mga kabataang naligaw sa buhay.

Panulat kong tangan aking pananggalang,
Tulungang balikan ang mga nakaraan.
Maging bagyo man at puno ng kadiliman,
Hayaang isulat ko ang ating kasaysayan.

Panulat kong tangan aking pag-asa,
Lagyang ng liwanag mundo kong nagdurusa.
Markahan ng tinta ang puso ng bawat -isa,
Kapayapaan sa Bansa ay makamit na.

Banig

Hayaan mong Kita'y ibalik sa nakaraan,
Masasayng alaala'y ating pagsaluhan.
Banig kong dala'y sabay nating sakyan.
Liparing muli ang buong Kalangitan.

Naalala ko pa noong una kitang makita,
Habang naglalakad sa gilid ng kalsada.
Litong-lito and isip at tila nawawala pa,
Tuloy sa paglakad saanman magpunta.

'Di napigil ang puso Kita'y nilapitan,
Sabay ang pagtanong sa iyong pangalan.
Nagawa mo pa nga na Ako'y iwasan,
At ipinilit pa rin na Kita ay sundan.

Sa aking pangungulit bigla kang pumihit,
Sabay ang pagharap at Iyong sinambit.
Ang iyong pangalan na sadyang kay rikit.
At mga kamay nati'y tuluyang nagdikit.

Noo'y nagsimula ang pag-ibig na wagas,
Nagalab ang puso 'sing kinang ng Hiyas.
Pumatak ang luha waring ulan sa lakas.
Masasayang sandali ayaw ng magwakas.

Isang pagkakataong di ko pinangarap,
Mga pangyayaring bigla na lang naganap.
Tunay na pag-ibig na hindi ko hinanap,
Biglang dumating agad kong niyakap.

Diksyonaryo

Kung nais alamin ang bawat kahulugan.
Sa kanyang mga dahon, iyong pakatingnan.
Tamang pagbaybay ay iyong pag-aralan.
Wastong pagbigkas, iyong pagsanayan.

Mga uri ng salita, sa kanya mo mahahabi.
Maging payak, tambalana, inuulit o maylapi
Anumang naisin at gusto mong hanapin.
Buksan ang pahina at patuloy buklatin.

Kay daming kahulugan ng bawat salita.
Pangngalan, Pang-uri, Panghalip o Pandiwa.
Bigyan ng panahon at tamang pangunawa.
Kahulugan ng salita, mabubuo sa’yong diwa.

Noong ako ay bata, palagi itong hawak.
Kahit di mabasa, hatid sa puso ay galak.
Kahulugan ng salita, pinilit kong tuklasin.
Sa kanyang pahina, naisip kong buklatin.

Itinuro ni Ina kung paano babasahin.
Ipinaalam sa akin ang mga ibig sabihin.
Ng mga salitang sadyang kay lalalim.
Alamin raw ng mabuti at palaging isipin.

Ala-ala ko rin ang malaking boses ni Ama.
Habang katabi ko, sa tuwing ako’y nagbabasa.
Kapag nagkakamali, sabay sa kanyang tawa.
At kapag napagod, sabay ring magpahinga.

Munting libro, luma na at nakatago.
Sa paglipas ng panahon, tuluyang naglaho.
Di na mahawakan at di na rin mahipo
Ang munting libro, nasa salita ay puno.

Yalah

Halika! samahan ako sa paglakbay.
Ikutin ang mundo habang hawak kamay.
Sabay antayin ang bukang liwayway.
At pagsaluhan natin ang saya ng buhay.

Laging sabayan hakbang nitong paa.
Saanman magtungo saanman magpunta.
Dadalhin kita sa paraisong kay ganda.
Puno ng ligaya’t, walang pagdurusa.

Sumama sa akin at sabay aabutin.
Tamis at saya, hatid ng mga bituin.
Sa lambong ng gabi ating hintayin.
Liwanag ng buwang tatanglaw sa atin.

Pangako sa iyo na kita’y aantayin.
Abutin man ng bagyo’t balutin ng dilim
Di ka hahayaang mawala sa aking piling
Halika at sumama ka na sa akin.

Common Sense

Ano bang naglalaro sa iyong isipan?.
Tila lumilipad at laging walang laman.
Nakatunganga at nakatingin sa kawalan.
At parang naglalakad sa liwanag ng buwan.

Kung titingnan kita para kang naka DRUGS.
Lutang ang pag-iisip, bagsak pa ang EYEBAGS.
Naghahanap ng sagot sa iyong katanungan.
Dapat lang naman, gamitin ang isipan.

Isip mang di gamitin, pumupurol din.
Para ring lupa, kailangang diligin.
Hasain ng mabuti at iyong patalimin.
Tigmakin ng tubig at iyong bungkalin.

Wag mong pahirapan ang iyong sarili.
Kung tatanga ka lang walang mangyayari.
Kumilos ng maayos, isipin ng maigi.
Baka matuto ka na, sa pagbukas ng TV.

Kagitna

Wag kang maghangad ng kahit kagitna.
Nang kahit kapiraso’y walang mawala.
Wag pangarapin na ika’y lumipad.
Baka di matanggap kapag ika’y sumadsad

Biyayang galing sa Diyos ay para sa lahat.
Ipinagkaloob sa atin, tinimbang at sinukat.
Wag mong isiping makamit lahat.
Lahat ng galing sa Kanya, tama lang at sapat.

Munti ma’t kapiraso’y biyaya pa rin.
Sa kamay ng Diyos, ibinigay sa atin.
Buong pusong tanggapin, at pagyamanin.
Pasasalamat sa Diyos, ibulong sa hangin.

Wag abusuhin anumang bigay sa atin.
Darating ang panahon, Kanyang babawiin.
Kaya wag hangarin ang kahit kagitna.
Nang kahit kapiraso’y hindi mawala.

Telephone

Collect Call ba o Call Collect.
Long Distance ba o Direct.
Tanong ng Operator na masungit.
Sa mga tumatawag na makulit.

Ngayo’y naglaho na at napalitan.
Ng kung anu-anong kaeklatan.
Teleponong iyong kinalakihan.
Gamit mo pa sa pakikipagligawan.

Noong panahon ni Inay at Itay.
Pag Ring ng Telephone iyong inaantay.
Nakikipag-unahan, kay bilis ng kamay.
Para lang masabi ang salitang “HI”.

Wala na ang lumang telepono ni Inay.
Pinalitan na ito ng bagong Cellphone ni Itay.
‘Di na rin kailangan Operator na masungit.
Sa tuwing tatawag ka akala nya’y kinukulit.

Sa isang pindot lang, naipabatid mo na.
Mag-ingat lamang baka ma “Wrong Send” ka.
Ang mensahe mo sa magandang dalaga.
Baka sa cellphone ni Inay, maipadala.

Saturday, October 19, 2013

Marlboro

Mahal man ngayon ang iyong presyo,
Pilit kang inaabot wari’y nanunukso.
Sa taong tulad ko na ikaw ang bisyo,
Di ka hahayaang mawala sa bulsa ko.

Noong aking kabataan, inilayo ka ng magulang.
At hiniling sa akin huwag kitang matutunan.
‘Wag kang pag-aralan, lalong huwag lasahan.
Baka raw dahil sa’yo, masira ang kinabukasan.

Di ko kinaya, mapanukso mong hugis at kulay.
Pilit kitang sinubukan, dala ng mga kamay.
Naging libangan ko mga usok mong taglay.
At naging kasama ko sa aking paglakbay.

Ngayo’y naadik ako, sa sarap na dala mo
Laging hinahanap ng mga labi kong ito.
Wari’y ‘di iniisip ang sakit na dulot mo.
At ang tanging alam humithit ng Marlboro.

Ako sana’y nakinig sa mga payo ni Inay.
At sa araw-araw, mga pangaral mo Itay.
Marlboro sana’y hindi ko na sinubukan.
At nadugtungan pa sana ang aking buhay…

Friday, October 18, 2013

Sa t'wing aalis ka aking Inay

Sa tuwing aalis ka ako ay nalulungkot na,
Sa t'wing magpapaalam dibdib ko ay may kaba.
Kung puede lang po sana, huwag ka nang lilisan,
Kung puede lang po, buong maghapon kita'y tatabihan.

Ayokong mag-isa dito mahal kong Inay,
'Wag mo kong iwang kasa-kasama si Itay.
Lalo na ngayon, mukha s'yang nakatagay,
Dahil pagtalikod mo agad nya kong hinahalay.

Parang awa nyo na po itigil nyo na Itay,
Katawan ko'y pagod na at ngalay na ngalay.
'Di ba kayo nagsasawa sa katawang kong niluray,?
Simula pagkabata ko inyo nang hinahalay.

Patawarin mo ako minamahal kong Inay,
Sira na ang kinabukasan ko, winasak ni Itay.
'Di ko na kaya ang ganitong uri ng buhay,
Pagod na ang katawan ko, 'di na kita mahihintay.

Tambakan - Sequence No. 5

Tambakan - Sequence No. 1
Tambakan - Sequence No. 2
Tambakan - Sequence No. 3
Tambakan - Sequence No. 4


Scene No. 1: Mabilis na tatakbo si Leo patungo sa tambakan at bumubulong ng dasal.  Bigla namang lilipat ang focus ng camera upang kuhanan ang masamang sinasapit ni Edna sa kamay ng di pa nakikilalang lalaki. Habang nakatutok kay Edna ang camera maririnig lamang ang mga pagtangis nito.


Edna: Saklolo! Saklolo! (malakas na sigaw ni Edna)

Edna: 'Wag! parang awa mo na (pagmamakawa ni Edna habang umiiyak)

Edna: Parang awa mo na 'wag mo kong sasaktan. (habang nakaluhod sa harap ng lalaki)


Scene No. 2: Muling haharap sa  camera si Gas Abelgas para basahin ang narration.



Narration: Sa tagpong ito maririnig lamang ang mga pagtangis at paghingi ng saklolo ni Edna, habang patuloy lamang ang lalaki sa panghahalay sa kanya. Dahil madilim ang paligid di nakikilala ni Edna kung sino ang lalaking nakapatong sa kanya. Ang mga susunod na eksenang inyong masasaksihan ay kinakailangan ng patnubay ng mga magulang.



Scene No. 3: Rape Scene (Camera Rolling)



Madiing nakapatong ang lalaki sa ibabaw ni Edna at pilit na pinagpupunit - punit ang kanyang damit. Tanging ang malademonyong tawa lamang ng lalaki ang kanyang naririnig. Nagpupumiglas si Edna at ilang beses din tinangka ni Edna na umalpas ngunit wala syang magawa dahil sa malakas ang mga braso ng lalaki. Napatigil lamang si Edna sa pagalpas ng bigla syang undayan nito ng isang malakas na suntok sa tagiliran. Namilipit na lamang sa sakit. Sa pagkakataong iyon naisagawa ng lalaki ang pakay kay Edna. Kaya kanya itong itinayo malapit sa isang nakataob na drum na nakadikit sa pader. Bahagyang nasisinagan ng ilaw mula sa isang poste ng meralco ang pader na pinagdalhan sa kanya. Doon ay nakita ni Edna ang mukha ng lalaki, nagulat na lamang sya ng malaman nyang si Benjo pala ang nagpupumilit humalay sa kanya. Muling nagmakaawa si Edna at nagbaka sakaling makikinig ito dahil sa sila naman ay magkakilala rin. Ngunit dala ng kalasingan ng lalaki tila wala itong naririnig sa halip ay itinuloy ang makamundong pagnanasa kay Edna. Akala mo isang demonyo ang nakatindig sa harap ni Edna, nakapapaso ang bawat titig nito animo nagliliyab ang kanyang mata sa sobrang kahuyukan sa laman. Mayamaya pa'y nagsindi ng sigarilyo si Benjo at dahang dahang idinidikit ito sa maseselang bahagi ng katawan ni Edna. Habang hawak naman sa kanang kamay ay isang kumikislap na patalim na nasisinagan ng ilaw mula sa poste at mariing nakatutok sa leeg ng babae. Walang magawa si Edna kundi ang tiisin ang sakit na nararamdam. Habang bumaba ang kamay ni Benjo gigil nitong  ibinaba ang hapit na palda ni Edna at sinimulan ang pakay sa babae. Dahil sa naging abala  sa kanyang kahalayan, di nya namalayan, nabitawan na pala nya ang patalim na kanina'y kanyang hawak. Dito nagkaroon ng pagkakataon si Edna na dahan-dahang abutin ang patalim sa nakataob na drum sa kanyang tagiliran. At ilang sandali pa ay inundayan nya ng saksak sa likod si Benjo. Dahil sa sobrang panghihina ng katawan di na nya nagawang mapuruhan si Benjo. Agad naman syang nakatakbo palayo sa lalaki at sumigaw na baka sakaling may makarinig sa kanya. S'ya namang sulpot ni Leo sa kanyang harapan.



Scene No. 4: Tatakbo si Edna papalapit kay Leo, yayakapin ito at hihingi ng tulong sa binata.


Edna: Leo! Leo! Tulungan mo ako (pagtangis ni Edna)

Leo: Nandito na ako! Wag ka ng matakot! (pangaamo ni Leo kay Edna)

Edna: Mag-iingat ka! (habang inaabot kay Leo ang patalim)


Scene No. 5: Fight Scene, maghaharap si Leo at Benjo. Ipagtatanggol ni Leo si Edna sa kasamaang ginawa sa kanya. Pero bago mag-umpisa ang fight scene papasok si Eugene Domingo at titigan si Edna sabay sasabihan ng: "Ako dapat ang bida at hindi ikaw"



Camera Rolling:



Agad sinugod ni Leo ang lalaki upang ipagtanggol si Edna at nagulat na lamang ng makita nya si Benjo. Ngunit di na sya nag alinlangan pa. Dagli nyang inundayan ng saksak si Benjo, subalit nagawa nitong salagin ang kamay ni Leo kahit pa may tama na ito sa likod. Nagpagulong-gulong ang dalawa sa basura. Gigil na gigil si Leo sa galit na nararamdaman sa mga oras na iyon. Walang pagsidlan ng galit si Leo. Kaya pilit syang nakipag-agawan sa patilim habang sila ay nagpagulong-gulong . Sa di inaasahang pangyayari, biglang tumama sa isang matigas na bagay ang ulo ni Benjo. Kaya nagawang maagaw ni Leo ang patalim. Nang masandaling iyon 'di na sinayang ni Leo ang pagkakataon. Mabilis nyang iwinasiwas ang kamay na may hawak sa patalim at ito ay tumama sa kaliwang bahagi ng dibdib ni Benjo. Nanlalaki ang mata ni Benjong nakatitig sa kaibigan habang hawak nito ang sugat at pilit inaampat ang malakas na daloy ng dugo. Dahil sa lalim ng pagkakabaon nito unti-unti nagdilim ang paningin ni Benjo hanggang sa siya ay malagutan ng hininga. At doon na lamang namalayan ni Leo at Edna na ang patalim na muntik nang kumitil sa kanilang buhay ay ang kutsilyong hiniram nito. Agad niyakap ni Leo si Edna at inamim ang tunay na nadarama sa kanya.


Leo: Edna, mahal na mahal kita (malambing na sambit habang nakayakap kay Edna)

Edna: Mahal din kita (lumuluhang sagot ni Edna kay Leo)


Scene No. 6: Ilang saglit pa ay darating si Peter na may kasamang pulis, kasama rin ni Peter sina Jenny, Mara, Lorna at Aling Mary. Dali-daling tumakbo si Jenny sa magkayakap pang Leo at Edna.



Leo: Edna, kung hindi dahil sa pagpunta ni Jenny dito sa tambakan, malamang na napahamak ka na. (lumuluhang wika ni Leo)



Scene No. 7: Agad niyakap ni Jenny ang anak at hinalikan sa kanang pisngi nito. Maluha-luha namang nakatitig ang bata kay Leo at pilit na inaabot ang kamay nito. Habang ang pulis naman ay abala sa pinangyarihan ng krimen at marahang tinatakpan ng puting kumot ang bangkay ni Benjo.

Scene No. 8: Muling papasok si Gas Abelgas para sabihin ang huling narration, ngunit biglang eeksena si Eugene Domingo at sisigaw ng:


Eugene Domingo: CUUUTTT..!!!



-wakas-

Tambakan - Sequence No. 4

Tambakan - Sequence No. 1
Tambakan - Sequence No. 2
Tambakan - Sequence No. 3


Scene No. 1: Bandang alas-syete ng gabi, dumating ang kaibigan ni Jenny na si Mara upang ayain syang magtungo sa tambakan para mangalakal. Dahil yun ang huling byahe ng truck ng mga basura at mas magandang mangalakal sa mga oras na yun dahil kakaunti na ang mga mangangalakal na nagpupunta sa ganung oras.


Mara: Magandang gabi po! Nandyan na po ba si Jenny? (magalang na tanong ng bata, habang pinapahid ang tumutulong sipon)

Aling Mary: Oo nandito na sandali at tatawagin ko (pagkatapos ay ibubuga ang nginangatang nganga)

Aling Mary: Jenny! Nandito na ang kaibigan mong si Mara (sigaw ni Aling Mary)


Scene No. 2: Dagling tatakbo si Jenny palabas ng bahay na bitbit ang kanyang bag.


Mara: Halika na Jenny! Baka maunahan tayo ng ibang bata sa tambakan (mabilis na yaya ni Mara)

Jenny: Sandali lang! Magpapaalam lang ako kay Nanay Mary, baka kasi hanapin ako.

Jenny: Nanay Mary! Pupunta lang po kami ni Mara sa tambakan para mangalakal (pautal-utal na wika nito)

Aling Mary: Oo sige! Pero wag kang magpapagabi at delikado doon. (paalala ni Aling Mary sa bata)

Jenny: Opo! (malakas na sagot ni Jenny)


Scene No. 3: Pero bago tuluyang umalis sumilip muna ang batang si Jenny sa kaliwang bahagi ng bahay upang silipin kung naroon pa ang lasing  na si Leo. At nang makita nya ito niyaya na lamang nya si Mara na sa kabilang eskenita dumaan.


Jenny: Sa kabila na lang tayo dumaan, nariyan pa kasi si Mang Leo lasing na naman. (pabulong na wika ng bata)

Mara: Bakit? Mabait naman si Mang Leo ahh! (matinis na sagot ni Mara)

Jenny: Kahit na! Nakakatakot pa rin palagi na lang lasing. (natatakot na wika ni Jenny)


Scene No. 4: Dahan-dahang papasok si Gas Abelgas habang sinasabi ang narration.



Narration: At nagpasya ang magkaibigan,  sa kabilang eskenita na lamang dumaan para makaiwas sa lasing na si Mang Leo. Habang sabay na naglalakad ang magkaibigan, masaya nilang pinaguusapan ang kanilang makukuhang kalakal sa tambakan. Hanggang marating nila ang lugar at tamang tama naman, syang dating din ng huling byahe ng truck ng basura.


Mamang Basurero: Layo muna kayo dyan! Baka matabunan kayo ng basura (malakas na sigaw ng Mama sa dalawa)


Scene No. 5: At nang maibuhos na lahat, mabilis na dumaib ang dalawa sa tambak ng basura upang humanap ng mga papakinabangan pang gamit. Halukay dito, halukay doon di na alintana ang mikrobyong hatid ng mga nabubulok na basura.


Mara: Jenny, tingnan mo ito, kulang lang ng isang paa pero ok pa, sayo na lang para may manyika ka na (habang masayang iniaabot kay Jenny ang nakuhang manyika)

Jenny: Salamat! Ang bait mo talaga (hahihiyang wika ng bata)

Jenny: Mara! dun tayo sa may bandang itaas, baka mas marami tayong makuha dun. (aya ni Jenny kay Mara)

Mara: Sige! Baka dun, makuha natin yung isang paa ng manyika mo hehehe (pagbiro ni Mara)


Scene No. 6: Maririnig lamang ang boses ni Gas Abelgas sa background



Narration: Nagkatinginan ang dalawa at saka tumawa ng pagkalakas-lakas na para bang sila ang mga prinsesa sa tambakan na kanilang kaharian. Mabilis na dinampot ni Mara at Jenny ang dala nilang bag na pinaglalagyan ng mga nakukuha nilang kalakal at mabilis na inakyat ang itaas na bahagi ng tambakan, Habang kinakalahig ang mga basura bigla na lamang sila nakarinig ng isang malakas na sigaw ng isang babae sa kabilang bahagi ng tambakan sa may bandang ibaba nito. Agad  tumakbo paibaba ang dalawa at palihim na sinilip ang pinanggagalingan ng sigaw. Agad tumambad kay Jenny ang Ina nyang nakahandusay at pilit ginagahasa ng isang lalaki. Walang magawa si Jenny kundi panoorin ang kahalayang ginagawa sa kanyang Ina. Dahil sa mga nasaksihan nya, wala na syang ibang naisip kundi ang humingi ng tulong kay Leo. Agad niyang niyaya ang kaibigan upang tawagin at hingan ng tulong si Mang Leo. Di na inalintana ni Jenny ang takot na nararamdaman kay Leo at mabilis syang tumakbo patungo sa umpukan ni Mang Leo at Peter.


Jenny: Mang Leo! Mang Leo! (malakas na sigaw ni Jenny habang tumatakbo papalapit sa lasing)

Jenny: Mang Leo! (Hinihingal) tulungan nyo ang Inay ko.

Leo: Bakit? Ano nangyari sa kanya? (balisang tanong nya sa bata)

Jenny: Si Inay po! Si Inay! May nananakit sa kanya sa tambakan (umiiyak na wika ni Jenny)


Scene No. 7: Gas Abelgas pa rin sa background.



Narration: Di na nagsayang ng oras si Leo, agad nagtungo sa tambakan upang tulungan si Edna. Mabilis ang pagtakbo ni Leo at tila nawala ang kalasingan.

Tambakan - Sequence No. 3

Tambakan - Sequence No. 1
Tambakan - Sequence No. 2


Scene No. 1: Magpaalam si Benjo kay Leo at Peter na iihi sa may eskenita. Pero, lingid sa kaalaman ni Benjo naroon ang asawa ni Peter na si Lorna. Dudukutin ang cellphone sa kaliwang bulsa at dadayal ng numero. Habang ang camera naman ay nakatutok sa lcd ng cellphone at makikita lamang ang pagpindot ni Benjo sa tiklado nito.


Benjo: Mga 'tol! jingle lang ako saglit (paalam ni Benjo habang hinahagod ang puson)

Benjo: 'Tol! Ok na.(pabulong na wika ni Benjo sa kausap)

Benjo: Tawagan mo na lang ako kapag ready na. (Habang isinasara ang zipper ng kanyang pantalon)


Scene No. 2: Pipihit si Benjo pagkatapos umihi at makikitang nakatayo si Lorna at aakalain na narinig syang may kausap. Agad niyang tatanungin si Lorna.


Benjo: Kanina ka pa dyan? (kinakabahang tanong ni Benjo)

Lorna: Ngayon lang! (malumanay na sagot)

Benjo: Akala ko kanina ka pa dyan, sige! at babalik na ko dun (mabilis na sagot ni Benjo)


Scene No. 3: Magugulat sa Eugene Domingo sa biglang pagtutok sa kanya ng camera dahil aabutan syang nangungulangot pa. Pagkatapos ay aayusin ang sarili at muling sasabihin ang narration.



Narration: Tuloy sa pagtataka si Lorna sa narinig. Ano kayo ang ibig sabihin ni Benjo sa kausap?  Ngunit di na nya pagaaksayahan pa ng panahon.



Eugene Domingo: Ano ba yan Direk? Narration na nga lang maiksi pa.



Scene No. 4: Iikot ang eksena sa umpukan nina Leo, Benjo at Peter, habang tumutugtog ang kantang "Pusong Bato"


Leo: Pareng Benj! Ang tagal mo, mukhang hindi ihi ang lumabas sayo (banat ng palabirong si Leo)

Benjo: Tumigil ka nga! Kanina ka pa (naasar na sagot ni Benjo)

Leo: Ikaw naman Pareng Benj! Ang hirap mong biruin may regla ka ba? (nagsisinok na banat muli ni Leo)


Scene No. 5: Akmang babatukan ni Benjo si Leo agad naman itong iilag at bibigkasin ang linya.


Leo: Peace! Biro lang! O! mag whisper ka muna este whisky pala (biro ni Leo)


Direktor: O! Narration na ulit! Nasaan si Eugene?



Eugene Domingo: I'm here Direk, getting ready na Direeek! (nalalambot na nagsasalita)



Narration: Inabot ni Benjo at mabilis na tinungga ang  tagay, habang takang-taka naman si Peter sa mga ikinikilos nito. Sobrang tahimik at seryoso si Benjo sa mga sandaling iyon. Malayong malayo sa Benjong kakilala niya. Kaya di na napigil ni Peter na magtanong kay Benjo.


Peter: Kanina ko pa napapansin na serious ka! May problema ka ba? (seryosong tanong kay Benjo)

Benjo: Wala! (maiksing sagot ni Benjo)

Peter: Kung may problema 'tol magsabi ka lang. (pamimilit ni Peter kay Benjo)

Benjo: Sinabi ng wala! Ang kulit mo naman (napipikon na sagot nito)

Peter: Wala naman pala. Bakit di mo matanggap ang mga biro ni Leo?

Peter: Kilala mo naman yan, may pagkamanyakis talaga ang bibig nyan. (paliwanag ni Peter)

Benjo: Para naman kasing pekpek ng manok ang bibig nito walang tigil, ang ingay (sagot ni Benjo kay Peter)

Leo: Bibig ko pekpek ng manok! Sige nga tirahin mo. (muling banat ni Leo)

Benjo: Kita mo na! Walang tigil (Asar na sambit habang nakatingin  kay Peter)

Benjo: Makauwi na nga lang (pahabol nito)


Scene No. 6: Agad na tatayo si Benjo sa umpukan at mabilis na aalis. Agad namang babalik ang pokus sa dalawang naiwan.


Peter: Ikaw naman kasi! Wala kang tigil (pangongonsensya ni Peter kay Leo)

Leo: Sus! Di ka na nasanay dun kapag bitin sa whisper este sa whisky yun babalik din yun (litanya ni Leo)

Peter: Tumigil ka na nga! Mabuti pa magbukas ka ng corned beef at ng may mapulutan tayo. (sabay hagis kay Leo ng de lata)

Leo: Nasaan ba yung kutsilyo? Nandito lang kanina yun (habang hinahanap sa ilalim ng mesa)

Leo: Oh! My, Oh! Boy, magagalit ang My Loves kong si Edna kapag nawala yun. (Biro ni Leo)


Scene No: 7: Wala na si Eugene Domingo. Papalit sa kanya si Gas Abelgas at babanatan ang narration:



Narration: Lingid sa kaalaman nilang dalawa, lihim na tinangay ni Benjo ang kutsilyong hiniram nila kay Edna. Dahil na rin sa kalasingan di na nila namalayan na bitbit pala ito ni Benjo ng ito ay umalis sa kanilang umpukan. Ano naman kaya ang masamang balak ni Benjo? May kinalaman kaya ito sa mga narinig sa kanya ni Lorna.



Direktor: Cuuttt!

Tambakan - Sequence No. 2

Tambakan - Sequence No. 1


Scene No. 1: Mag aalas-sais na ng hapon. Mabilis na naggagayak ng hapunan si Edna para sa kanyang anak. Matatanaw ang isang kaldero ng kanin na umuusok at malapit ng mainin. Sa isang sulok naman makikita ang kabubukas pa lamang na lata ng sardinas na pagsasaluhan nilang mag-ina.


Edna: Jenny! Anak! May kumakatok yata sa pintuan. (sigaw ni Edna)

Jenny: Inay! Si Mang Leo po nasa labas. (marahang sagot ni Jenny habang papalapit sa Ina)

Edna: O! Ikaw pala Leo! Napasyal ka (bati ni Edna habang nakatitig sa binata)

Leo: Manghihiram lang sana ko ng kutsilyo, ipangbubukas lang sa pulutan namin. (mautal-utal na sagot dala ng kalasingan)

Edna: "Saglit lang Leo! at kukunin ko sa kusina" malumanay na sagot ni Edna.


Scene No. 2: magtutungo si Edna sa kusina at kukuha ng kutsilyo, Naiwan naman si Jenny sa kanyang kinatatayuan malapit sa pintuan at takot na nakatitig sa lasing na si Leo.


Edna: Eto! Pakibalik na lang agad at malapit na rin kasi akong pumasok sa trabaho. (nakangiting iniabot ni Edna kay Leo ang kutsilyo)

Leo: Ok shhige! ibabalik ko rin agad (naglalasing-lansingang na wika ni Leo)

Leo: Ang laki na ng anak mo, manang-mana sayo sa kagandahan. (pahabol na wika ni Leo)

Edna: Nambola ka pa, ibalik mo na lang agad yung kutsilyo. (sabay ng pagsara sa pintuan)

Jenny: Inay alam mo, nakakatakot si Mang Leo palagi na lang lasing (nanlalaki ang mata ni Jenny habang nagsasalita)

Edna: Masanay ka na sa kanila, araw araw namang nakikipag-inuman yan (malumanay na sagot ni Edna sa anak)

Jenny: Inay 'di po ba kayo natatakot sa kanya?

Edna: Ang dami mo namang tanong, maghugas ka na nga ng kamay at kakain na tayo (habang nakangiti si Edna sa anak)


Scene No. 3: sabay na kumakain ang mag-ina hindi mawala sa isip ni Jenny ang itsura ng lasing na si Leo. At kahit di magsalita makikita sa batang si Jenny ang takot na nararamdaman.


Edna: Jenny! Anak bilisan mo sa pagkain mo at papasok pa ako sa trabaho.

Jenny: Opo! (malumanay na sagot ng bata)


Scene No. 4: Ipopokus ang camera kay Eugene Domingo at sasambitin ng madrama ang narration.



Narration: Sa murang edad ni Jenny na pitong taon, 'di lingid sa kanyang kaalaman kung ano ang trabaho ng kanyang Ina. Alam niya na sa club ito pumapasok  gabi-gabi. At hinahabilin lamang sya sa kanilang kapitbahay at binabalikan na lamang sa madaling araw.


Edna: Anak! Halika na at ihahatid na kita sa bahay ni Aling Mary.

Jenny: Saglit lang po Inay, kukunin ko lang po ang aking bag.

Edna: Bilisan mo na dyan at nakakahiya kay Aling Mary (nagmamadaling wika ni Edna)


Scene No. 5: Nagmamadaling lumakad ang mag-ina patungo sa bahay ni Aling Mary. At muli ay nadaanan nila ang tatlong nag-iinuman. Malayo pa lamang ay makikita ni Jenny si Leo na nakatingin sa kanila at sa sobrang takot ay mahigpit itong kumapit sa kaliwang braso ng kanyang Ina at itsurang magtatago sa pagtitig ng lasing na si Leo.

Tambakan - Sequence No. 1

Scene  No. 1: Magbubukas ang eksena sa isang iskwater area. Bandang alas-tres ng hapon. Ipapakita ang ibat-ibang mukha ng kahirapan. Makikitang pinapaliguan ni Edna ang anak nyang si Jenny. At sa di kalayuan mahahagip ng camera ang isang grupo ng tambay na nag-iinuman sina Leo, Peter at Benjo.

Edna: Anak ilang beses ko bang sasabihin sayo 'wag na 'wag kang pupunta sa tambakan ng basura.

Jenny: Sorry po Inay, pinilit lang po kasi ako ng mga kaibigan ko na pumunta doon para mangalakal.

Edna: Hindi mo kailangang mangalakal anak, kaya nga nagtatrabaho si nanay para di ka mamulot ng basura sa tambakan.

Jenny: 'Di na po mauulit Inay.


Scene No. 2: At walang kamalay-malay ang mag-ina sila na pala ang laman ng malakas na halakhakan ng mga nag-iinuman. Habang bahagya silang mahahagip ng pag-ikot ng camera sa tuwing lilingunin sila ni Leo na may pagkamanyakis ang bibig


Leo: Tingnan nyo mga repapips 'tong si Edna kahit may anak may asim pa rin. (at biglang hahalakhak pagkatapos magsalita)

Benjo: Umiral na naman ang kamanyakan mo 'pre. (nakatitig na sinambit ni Benjo kay Leo)

Leo: Ang KJ mo naman pareng Benj (sabay lagok sa tagay na iniabot ni Peter)

Peter: Tama na nga yan baka dahil kay Edna eh magsuntukan pa kayo, Puntahan nyo na lang sa club ng matikman nyo kung may asim pa talaga yan!. (sabad naman ni Peter habang sumusundot ng pulutan)

Leo: Bakit parang duda ka pareng Peter Pan?, natikman mo na ba?

Peter: Tumigil ka nga! Marinig ka pa ng asawa ko! outside de kulambo na naman ako nito. (pabulong na wika ni Peter at sabay nagtawanan ang tatlo)


Scene No. 3: Sumulpot bigla ang asawa ni Peter na si Lorna, animo'narinig ang sinabi ni Leo kay Peter at pipigilan sila sa kanilang pag-iingay habang nakapamewang na nakatingin sa asawa nyang si Peter.


Lorna: Hoy! Mga lasenggo magsitigil na nga kayo at nakakahiya sa mga kapit-bahay. (habang patalak na sinasambit)

Peter: Tumigil ka nga dyan! Baka makatikim ka ng kaliwa't kanan ko riyan! (malakas na sigaw ni Peter)

Lorna: Hoy! Mister ikaw ang tumigil, kung di ko pa alam sa pagbabati mo lang ginagamit yang kaliwa't kanan mo. (asar na wika ni Lorna)


Scene No. 4: Agad tumalikod si Lorna at umalis ng may pagkaasar kay Peter. Pagkaraa'y sabay tumawa ng malakas sina Leo at Benjo at kakantsawan  si Peter sa narinig nila sa asawa nito.

Thursday, October 17, 2013

Bakit nga ba PapaLaboy?

Bakit nga ba PapaLaboy?
Marami namang iba, at may dating pa.
Parang bulaklak na walang amoy,
Animo basura, nakatambak sa kalsada.


Naisip ko lang bakit nga ba hindi?
Wala ngang dating ngunit may budhi.
At kahit pa nga sumobra sa iksi,
May layunin naman, 'sing haba ng pisi.


Pangit man kung bibigkasin,
Ang salitang PapaLaboy sa inyong tingin.
Malinis naman ang bawat hangarin,
At pilit aabutin inyong puso't damdamin.


Salat man sa salapi ang may akda,
Ngunit 'di sa talata at mga kataga.
Sa mga pangungusap at mga salita,
Sa mga titik na ginagawang tula.


Siguro naman ay nasagot ko na,
Ang kaninang tinatanong mo pa.
Kung bakit PapaLaboy ang pangalan,
'Pagkat may puso dito yun lang ang dahilan.


Delayed Messages

Dahil lang sa delayed messages ay nagalit ka na.
At agad inisip na baka ako'y na wrong send na.
Di man lang nagtanong kung para kanino.
Pinairal ang galit at tuloy sa pagdududa mo.

Nagtanong sa akin kung bakit ngayon lang dumating,
Agad akong sumagot dahil wala namang nililihim.
Pero di ka naniwala sa aking mga sinambit.
Mabuti pang nanahimik baka di ka pa nagalit.

Hiling ko lang sayo sa mga oras na ito,
Maniwala ka naman sa mga sinasabi ko sayo.
Di ko alam kung bakit ngayon lang dumating,
Mga sms na ikinagagalit mo sa akin.

Di ko alam kung hanggang kailan ka magkakaganyan,
Balot ng galit at masama ang kalooban.
Pinili kong manahimik at magsawalang kibo na lamang,
Pero di ko magawa at dapat mo talagang malaman,
Kung bakit ngayon lang dumating, di ko talaga alam.

Wag sanang mawala ang pagtitiwala mo,
Dahil sinasabi ko na malinis ang konsensya ko.
Sanay mawala na ang ikinagagalit mo,
Dahil ikaw lamang talaga ang textmate ko.

Tanghalian

Sa t'wing sasapit ang alas dose sa orasan,
Akala mo isang pulubi na iniisip ang ulam.
Nagtatanong sa sarili "Ano ba ang masarap?"
Sa pagsapit ng tanghalian, kay sarap mangarap.

Adobong manok ba, o nilagang baka,
Dagdagan mo pa ng isang litrong mirinda.
Ginataang gulay kaya o itlog na maalat,
Sa pagsapit ng tanghalian, kay sarap mangarap.

Masarap sana ang bawat hapag kainan,
Kahit piniritong tuyo ang nasa harapan.
Kung ikaw ang katabi ay napakasarap,
Sa pagsapit ng tanghalian kay sarap mangarap.

Lenggwa man o afritada ang nasa aking mesa,
Walang kalasa-lasa 'pagkat ako lang mag-isa.
At sana'y mas sasarap habang kita'y naguusap.
Sa pagsapit ng tanghalian kay sarap mangarap.

Tanghaliang kay sarap kailan kaya makakamtan?
Kung ako'y nasa malayo't nakikipagsapalaran.
Wala na bang katuparan kailan magaganap?
Ang pagsapit ng tanghalian na aking pangarap.

Superhero

Bakit sa t'wing malalagay sa panganib?,
Laging superhero ang hanap at bukang bibig.
Wala bang ibang paraan, wala bang kasagutan,
Mga bagay na naiisip ko noong aking kabataan.

Laki ng paghanga noong bata pa lamang,
Lagi kong inaabangan kanilang pakikipaglaban.
Tumatak sa isip kanilang kapangyarihan,
Pilit ginagaya kahit kathang isip lamang.

Napapansin ko ang tingin sa akin ni Inay,
Nakangiting nakamasid habang ako'y nag-aantay.
Sa paglabas ng idolo ko sa aming telebisyon,
At matyagang inaabangan ang bawat aksyon.

Naging libangan ko ang sila'y panoorin,
Baka may super powers silang palabasin.
Ayokong mabitin, ayokong palampasin.
'Pagkat kalaro ko'y nag-aantay sa aking sasabihin.

Tumatak sa isip ang bawat eksena,
Bilib na bilib ako "Astig! talaga sila"
Inisip ko pa nga na isa ako sa Abendyers,
'Di ko lang alam, kung ano ang aking super powers.

Isang araw nga lubos akong humanga,
Nagpalabas ng bagong powers, napalundag sa tuwa.
'Di ko na natapos aking panonood,
Agad tumakbo sa kaibiga'y sumugod.

Sinambit ko agad ang bagong nasaksihan,
Kakaibang kapangyarihan ng aking hinahangaan.
Napaigtad at tumulo kanyang laway,
Sabay tanong sa akin "Ano nangyari sa kaaway?"

Wala akong nasabi wala akong nasambit,
Sa sobrang tuwa kasi agad akong pumihit.
'Di ko masabi ang nangyari sa kalaban,
Agad akong umalis 'di ko alam kung tinamaan.

Dagli akong umuwi upang alamin,
Nakita ko si Inay nag-aantay sa akin.
Malungkot ang mata parang may sasabihin,
Ngunit 'di ko inalintana, 'di ko pinansin.

Sabay ang dampot sa remote control,
Binuksan ang tv I'm out of control.
Inalam ko agad ang huling eksena,
At nakita ko si idol may hawak na pera.

Yun pala ang gustong sabihin ni Inay,
Ang hinahangaan ko'y para ding kaaway.
Tumatanggap pala sa bawat tulungan,
Ang superhero ko isa palang bayaran.

Umaga

Isang umaga sa aking paggising,
Salita at pangungusap sa isip ay dumating.
Parang makagagawa ng magandang tula,
Nakalimutan ko pa nga na magpunas ng muta.

Dagli kong isinulat ang bawat talata,
Lahat ng nasa isip iginuhit bigla.
Nilapatan ng himig ang bawat salita,
Bumuo ng tula, awit ang nagawa.

Naging inspirasyon ang bawat umaga,
Parang kay tahimik, masarap, maganda.
Nabubuo ang araw at buong maghapon,
Sa isang umagang pinagkaloob ng Panginoon.

Isang araw umaga ko ay nagbago,
Pumatak ang luha 'di maitago.
Bigat ng dibdib sa nakaraang alitan,
Nagising na lamang singsing nya ay iniwan.

Noo'y nagulo ang bawat umaga ko,
Ayaw ng gumising, ayaw ng tumayo.
Salita at pangungusap bigla na ring naglaho,
Ayaw ng isulat nilalaman yaring puso.

Nawala ang himig sa bawat talata,
Naging malungkot ang bawat kataga.
Wala ng tula wala na ring awit,
Ang isang umaga ko na puno ng pait.

Isang umaga sa aking paggising,
Sarili ay nakita himbing na himbing.
Singsing nya ay hawak nakatapat sa dibdib.
Ayaw pawalan ang tanging pag-ibig.

Noo'y napagtanto nagwakas na pala,
Wala nang masaya, wala nang umaga.
Wala nang gigising, wala nang babangon.
Isang umaga ko ay naging dapit-hapon.

Tahanan

Ginigising sa umaga ng tunog ng pinggan,
Batingaw ng kaldero sa hapag kainan.
Kalasing ng kutsara, ng mga tinidor,
At ng malakas na sigaw ni Donya Amor.

Ganito ang eksena sa bawat umaga,
Parang pelikula, si Cherie Gil ang bida.
Lagyan pa ng soundtrack, sigaw ni Don Vito,
Na tulog pa ang araw lasing na at hilo.

Sa pagsapit ng tanghalian, nagbabago ang lahat,
Makikita lamang nakatambak na kalat.
Maririnig naman bungisngisan ng katulong,
Bulong-bulungan nila, away ni Don Vito't Donya Amor.

At sa pagdating naman ng dapit-hapon,
Tahimik ang paligid, lahat ay mahinahon.
Huminto na ang soundtrack, ubos na rin ang kalat,
Wala na palang tao, wala na silang lahat.

Ako ay napatingin sa aking Ina,
Sabay ang tanong "Bakit ganun sila?"
Palasyo ang tahanan ngunit 'di masaya,
"Ganoon ba talaga kapag mayaman ka?"

"Hindi ganun anak" ang sagot ni Ina,
"Nasa taong nakatira, kahit mahirap ka pa.
Kaya 'wag kainggitan palasyo nilang tirahan,
Walang kaligayahan kaya di masabing tahanan"

Maswerte pala ako sa barung-barong na ito,
Masasabing tahanan kaysa kanilang palasyo.
Dahil sa pagmamahal na pundasyon nito,
Na inyong pinatibay noong musmos pa ako.