Thursday, October 17, 2013

Tahanan

Ginigising sa umaga ng tunog ng pinggan,
Batingaw ng kaldero sa hapag kainan.
Kalasing ng kutsara, ng mga tinidor,
At ng malakas na sigaw ni Donya Amor.

Ganito ang eksena sa bawat umaga,
Parang pelikula, si Cherie Gil ang bida.
Lagyan pa ng soundtrack, sigaw ni Don Vito,
Na tulog pa ang araw lasing na at hilo.

Sa pagsapit ng tanghalian, nagbabago ang lahat,
Makikita lamang nakatambak na kalat.
Maririnig naman bungisngisan ng katulong,
Bulong-bulungan nila, away ni Don Vito't Donya Amor.

At sa pagdating naman ng dapit-hapon,
Tahimik ang paligid, lahat ay mahinahon.
Huminto na ang soundtrack, ubos na rin ang kalat,
Wala na palang tao, wala na silang lahat.

Ako ay napatingin sa aking Ina,
Sabay ang tanong "Bakit ganun sila?"
Palasyo ang tahanan ngunit 'di masaya,
"Ganoon ba talaga kapag mayaman ka?"

"Hindi ganun anak" ang sagot ni Ina,
"Nasa taong nakatira, kahit mahirap ka pa.
Kaya 'wag kainggitan palasyo nilang tirahan,
Walang kaligayahan kaya di masabing tahanan"

Maswerte pala ako sa barung-barong na ito,
Masasabing tahanan kaysa kanilang palasyo.
Dahil sa pagmamahal na pundasyon nito,
Na inyong pinatibay noong musmos pa ako.

No comments:

Post a Comment