Friday, February 14, 2014

Dapit-hapon


Image Taken from Google.com
Sa hinaba-haba ng panahon;
na ako'y naghihintay,
hiniling sa Panginoon,
na makasama ka, aking Mahal.

Ang makayakap ka't makapiling ka;
sa bawat sandali,
ang ibigin mo o giliw ko,
na matagal ko ng minimithi.

Sa pagdating ng dapit-hapon;
ako'y patuloy na maghihintay,
at hihiling sa Panginoon,
na buhaying muli.

Sa wakas ay dumating na rin;
ang tamang panahon,
dininig na rin ng Panginoon,
ang matagal ko ng hiling,

Ang makapiling ka't makasama ka;
sa lahat ng sandali,
ang ibigin mo o giliw ko,
na matagal ko ng mithi.

Thursday, February 13, 2014

Ngiti sa Iyong Mukha

Image taken from Google.com
Napapansin ko nitong Mga nakaraan-
lutang ang isipan- abot sa kalangitan,
tila isang balon- balot ng kadiliman.
At itim na ulap-nagbabadya ng ulan.

Napuno ng kalungkutan ang iyong mukha,
'di mo man sabihin-nangungusap ang luha,
banaag ko ang kataga't-bawat salita.
Nakita ko lahat- sa pagpatak ng luha.

Sa luhang umaagos-sayong mga mata;
hatid sa aki'y-lubos na pag-aalala,
Ano ba ang dahilan ng iyong pag-iyak?
Tila puso mo-ay tinarakan ng itak.

Anuman ang dahilan ng 'yong dinaramdam?
Maging malalim o mEdyo may kababawan,
nais kong malaman mo-ako'y naRito lang.
At handa kang samahan- magpakailan pa man.

At kung sakaLi man na ako ang dahilan;
nang iyong pagdaramdam at ng kalungkutan,
hayaan  mong iduyan kita- sa aking bisig,
ipadama sa'yo- ang tunay kong pag-ibig.

Sa pag-ibig kong ito sana'y mabawasan;
iyong kalungkuta't -bigat na dinaramdam,
nang ang pag-agos ng luha'y- muling maibsan,
at ngiti sa mukha'y- muli kong masilaYan.

Wednesday, February 12, 2014

Envelope

Image taken from Google.com

Tahimik na nakamasid si Rod sa lawak ng karagatan habang nakatayo malapit sa daungan ng barko. Pigil ang pagpatak ng luha sa kanyang mga mata, habang dinaramdam ang katagang narinig mula sa kanyang asawa.

'Di lubusang matanggap ni Rod ang mga katagang "Wala Kang Kwenta..Alam mo ba!" Ganyan na lamang ang sakit na idinulot sa puso nito, ng sila’y magtalo ng kanyang asawa kaninang umaga. Di n’ya lubos maisip, na sa kabila ng kanyang pagsusumikap ay nagawa pang ipamukha sa kanya na walang halaga ang lahat ng kanyang ginawa. Taon din ang tiniis ni Rod sa ibang bansa, mabigyan lamang ng magandang buhay ang kanyang may-bahay.

Habang sya'y nagpapalipas ng sama ng loob sa daungan ng barko, sa 'di kalayuan, ay may naaninaw s'yang isang envenlope. Agad nya itong nilapitan at dinampot. Nagpalinga-linga si Rod sa paligid upang tingnan kung may taong nakaiwan ng envelope sa daungan. Ngunit wala ni isa mang tao sa lugar maliban sa kanya. Kaya, kanya itong iniligay sa kanyang bulsa at nagsindi ng sigarilyo habang patuloy sa kanyang pag-iisip tungkol sa naging alitan nilang mag-aswa.

Nakailang stick na rin ng sigarilyo at inabutan na rin ng paglubog ng araw si Rod, nang magpasya itong umuwi ng bahay. Habang naglalakad pauwi, patuloy na naglalaro sa kanyang isipan kung sino ang nakaiwan ng envelope sa daungan. Agad nya itong dinukot sa kanyang bulsa upang usisain kung may nakasulat man lamang na pangalan o address ng nagmamay-ari. Pero, isang puting-puting envelope lamang at wala ni isang letra ang nakasulat sa labas nito.

Kaya minabuti na lamang ni Rod na buksan at alamin kung ano ang nilalaman ng puting envelope. Bago pa man umpisahang basahin ni Rod ang sulat, agad na syang nakaramdam ng kaba sa kanyang dibdib. At sa pagbuklat sa sulat agad tumambad sa kanyang mga mata ang pangalang R.O.D.O.L.F.O

RODOLFO

Sa una'y inakala ko na magiging masaya ako sa desisyon na muling sumama sa iyo at buo ng isang pamilya, at hindi naman ako nagkamali. Hindi naging madali sa ating dalawa ang paguumpisa bilang mag-asawa. Maraming naging pagsubok ang dumating sa ating buhay at nanatili pa rin tayong matibay at matatag. Hindi ko akalain na aabot sa ganito ang magiging takbo ng buhay natin. Noong magpasya kang umalis at pumunta sa Gitnang Silangan naghahalong saya at kaba ang nararamdaman ko sa dibdib. Saya dahil matutupad ang isa sa mga pangarap ko na umulad ang takbo ng buhay at kaba na baka bigla ka na lamang mawala at sumama sa piling ng iba. Ilang taon na rin mula ng umalis at makipagsapalaran ka sa ibang bansa. Noong una'y pilit kong nilalabanan ang pangungulila ko sa iyo at nakuntento sa mga tawag at text messages mo. halos dalawang taon din ang ganitong sitwasyon natin. Palagi akong nanabik na gumising sa umaga upang antayin ang mga tawag at text messages mo. Lubos na kagalakan ang nararamdam ko sa twing mababasa at maririnig ko ang lahat ng nilalaman ng puso mo. Napawi mo rin ang kaba na nararamdaman ko, na baka ka na lamang mawala sa buhay ko. Pero sa di sinasadyang pangyayari, aksidenteng nagkita kaming muli ng dati kong kasintahan. Nagkamustahan at nagkwentuhan tungkol sa buhay. Hanggang sa nasundan ang aming pagkikita. Noon ay inakala kong simpleng pagkikita lamang ang aming ginagawa pero di ko namalayan na muli na palang nahuhulog ang loob ko sa dati kong kasintahan, hanggang sa may nangyari sa amin. Sinubakan kong sabihin sayo habang ikaw ay nasa Gitnang Silangan, pero hanggang sa ngayon, nababalot pa rin ako ng takot na baka sumbatan mo ako sa aking ginawa. Nang muli kang tumawag sa akin upang sabihin na ikaw ay babalik na sa Pilipinas, mas lalo akong pinanghinaan ng loob na sabihin sayo ang kasalanang aking nagawa. Inisip ko na lamang na itago ang nagawa kong pagtataksil pero patuloy pa rin akong inuusig ng aking damdamin. Wala na akong mukhang maihaharap sayo. At hingin ko man ang kapatawaran mula sayo, alam kong mahihirapan kang ibigay ito dahil sa sakit na idinulot ko sayo. Kaya sumama na lamang ako sa dati kong kasintahan at magpasya na magkita kami sa tabing dagat malapit sa daungan ng barko. Alam kong masakit ang aking ginawa, hayaan mong kahit sa sulat na ito'y hingin ko ang iyong kapatawaran, Hanggang dito na lamang at hangad ko ang iyong tunay na kaligayahan, na hindi ko naipagkaloob sa iyo.
SELYA

At hindi na namalayan ni Rod na nakarating na pala siya sa kanilang bahay bago pa n'ya matapos basahin ang nilalaman ng sulat.

Walang mapagsidlan ng galit si Rod sa kanyang dibdib.
Agad syang nagtungo sa kwarto at kinuha ang kalibre .45. Akala mo isang demonyong iniisip kung paano n’ya paghihigantihan ang kataksilang ginawa ni Selya.

Hanggang sa nabalot ng katahimikan ang buong paligid.

Nabuo sa isip ni Rod na kaya pala halos ipagtabuyan sya ni Selya ay dahil hindi nito masabi ang katotohanan tungkol sa kanyang pagtataksil. At sinadya niyang siya’y galitin upang makahanap ng dahilan at sya’y tuluyang iwanan.

At sa hindi inaasahan, biglang bumalik si Selya sa kanilang tahanan, upang personal na humingi ng tawad kay Rod sa kataksilang kanyang ginawa bago sya tulyang lumayo.

Pero bago pa man sya makapasok ng bahay.

Agad nyang nakita ang puting envelope sa sahig, na kanyang naiwan sa tabing dagat malapit sa daungan ng barko.

Ilang saglit pa'y nakarinig na lamang sya nga isang malakas na putok ng baril mula sa kanilang kwarto.

Huli na para kay Selya na humingi ng tawad at pagsisihan ang lahat. Sa pagalingawngaw ng isang malakas na putok ay tinapos na ni Rodolfo ang sarili n'yang buhay bago pa nya magawang paghigantihan si Selya sa kanyang kataksilan.

At sa may tabing dagat malapit sa daungan ng barko

Tulalang nakatayo si Selya, habang binabalikan sa kanyang isip ang tamis ng pagmamahal ni Rodolfo na kanya lamang sinayang.



-wakas-

Kapag Langit ang Naningil

Image taken from Google.com
Alas-Dose ng tanghali, nang biglang atakihin ng matinding pagkahilo si Marsha, at napasandig na lamang ito sa pader ng kanilang kusina. At sa mga sandaling iyon, lubos ang pangambang kanyang nararadaman, dahil wala niisamang tao sa bahay maliban sa kanya. Kaya, kahit halos ‘di maihakbang ang mga paa’y pilit nyang tinungo ang kanyang kwarto upang kumuha ng gamot. Pero dahil sa tindi ng kanyang pagkahilo, isang hakbang pa lamang ay agad s’yang napatumba sa sahig. Walang magawa si Marsha kundi ang umiyak na lamang habang nakahandusay. At sa mga sandaling iyon, ay unti-unting bumalik sa kanyang alaala ang lahat ng kanyang mga nagawa makamit lamang ang karangyaan sa buhay.

Si Marsha ay ipinanganak sa isang skwater erya sa sentro ng Maynila. At kahit sa ganitong lugar sya isinilang, naging simple at maayos naman ang takbo ng kanilang pamumuhay. Gipit man sa lahat ng bagay ay pilit silang itinaguyod ng kanilang mga magulang. Kahit pa ang pinakamabigat na hanap-buhay ay pinasok ng kanyang Ama makapaguwi lamang ng pera na galing sa malinis na paraan. At ang kanyang Ina nama’y halos suyurin ang mga tahanan ng ilang nakaka-angat sa buhay upang mamasukan at tumanggap ng mga labada. Pero, mataas ang pangarap ni Marsha at di nya matanggap ang klase ng kanilang pamumuhay kaya sa mura nyang isipan nangarap ito na makaalis sa kanilang lugar at magkaroon ng marangyang buhay. Dahil sa pagnanais nyang maka-ahon sa hirap- napabayaan ni Marsha ang kanyang pag-aaral at napasama sa grupo ng sindikato na nagtutulak ng bawal na gamot. Dito na sa puntong ito unti-unting naabot ni Marsha ang kanyang mga pangarap, nagkamal s’ya ng salapi at ‘di na nya alitana na ito ay galing sa masamang paraan. Naging matunog ang kanyang pangalan at kinilala sya sa kanilang lugar. Dahil animo ulan kung bumuhos ang pera na galing sa bawal na gamot naging gahaman si Marsha at binalewala ang pangaral ng kanyang mga magulang at pilit na naghangad na magkaroon ng marangyang buhay kahit pa sa pinakamasamang paraan.

Naging mabilis ang mga pangyayari para kay Marsha at naging ganap na ang lahat ng kanyang pinangarap, simula ng sya’y musmos pa lamang. Umunlad ang kanyang pamumuhay, nabili ang lahat ng kanyang naisin, nakain ang pinakamasarap na pagkain,  nakarating sa pinakamagagandang lugar, nagkaroon ng mga kaibigan ngunit ‘di nya inalintana na ang lahat ay galing sa masamang paraan na simusira naman ng kinabukasan ng iba. Masasabing naging buhay reyna si Marsha at halos sambahin s’ya ng kanyang mga naging kaibigan. Pero sa kabila ng kasaganaang tinatamasa, may lungkot na nagtatago sa kanyang mga mata. Tuluyan syang tinalikuran ng kanyang magulang at mga kapatid dahil hindi matanggap ng kanyang pamilya ang kanyang naging kasamaan sa pagtupad ng mga pangarap. At ito na marahil ang nagtulak sa kanyan upang gumamit na rin ng ipanagbabawal na gamot,,maliban sa pagtutulak nito.

Dala ng kalungkutang itinatago sa kanyang dibdib,nalulong si Marsha sa paggamit ng bawal na gamot. Nalunod si Marsha at unti-unting nalubog ang kanyang mga paa sa putikan. Naging mailap ang lahat sa kanya, kahit pa ang pinakamatalik nyang kaibigan ay tinalikuran na rin s’ya. Animo isang malakas na bagyo ang dumating sa buhay ni Marsha nang unti-unting mawala sa kanya ang lahat. Sa puntong ito ay nagpasya si Marsha na tumiwalag sa sindikato at magbagong buhay, ngunit kagaya ng ilang mga bawal na orginasisyon naging mahirap para sa kanya ang humiwalay sa mga ito. At nagkaroon ng banta sa kanyang buhay.
Pero sa kabila ng panganib sa paghiwalay n’ya sa sindikato, nagawa ni Marsha na magpakalayo-layo at mamumuhay ng tahimik. Nagtungo sya sa isang lugar na walang nakakikilala sa kanya. Hanggang isang araw, sa ‘di sinsasadya ay nakilala nya si Baldo, na isang matuwid at malapit sa Diyos na tao. Dito na lubusang nakapagbagong buhay si Marsha at sa tulong ni Baldo nagawa nitong mailapit si Marsha sa gabay ng Panginoon. Ilang taon din ang lumipas naging maayos at mapayapa ang lahat para kay Marsha, nagkaroon sya ng masayang pamilya, at nabiyayaan ng isang anak.

Lubos ang naging kaligayahan sa puso ni Marsha. Pero, tila kakambal niya ang kamalasan. Muli ay dumating ang isang pagsubok sa kanyang buhay. Isang umaga sa kanyang paghahanda ng babauin ng kanyang mag-ama ay bigla sya nakaramdam ng pagkahilo. Sa una’y binalewala nya ang nararamdaman. Ngunit nagpaulit-ulit ito, kaya nagpasya siyang  pumunta sa doktor upang magpatingin, at dito nya natuklasan na may bukol sya sa kanyang utak at may taning na ang kanyang buhay. Inilihim n’ya kay Baldo at sa kanyang anak ang kanyang karamdaman. Hanggang sa lumipas ang bawat araw, na palihim niyang tiniitiis ang sakit na nararamdaman. At dito naisip ni Marsha na ang lahat pala ay makatapusan, na ang lahat ay magwawakas sa isang pitik lamang ng daliri ng Diyos. At dito rin nya naramdaman ang sakit- kapag ang langit ay naningil.

Alas-Dose ng tanghali ng huling atakihin ng pagkahilo si Marsha, at nakahandusay s’yang inabutan ni Baldo at ng kanyang  anak sa kanilang tahanan.



-wakas-